Ipipresenta na sa plenaryo ng Senado ngayong araw ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) na may kabuuang halaga na ₱6.793 trilyon.
Ayon kay Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian, matapos maisponsoran ang panukalang badyet, tuloy-tuloy na ang magiging debate na sisimulan bukas, Nobyembre 13.
Mula sa susunod na linggo, tiniyak ng senador na tuloy-tuloy ang plenary debates mula Lunes hanggang Biyernes tuwing ala-una ng hapon. Target aniya na matapos ang plenary debates sa loob ng sampung araw.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na pansamantalang ihihinto sa Biyernes ang deliberasyon upang bigyang-daan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Samantala, ibinunyag din ni Gatchalian na marami na sa kanyang mga kasamahang senador ang nagsumite ng kani-kanilang mungkahing amyenda sa pambansang pondo.
Pag-aaralan aniya ng komite kung alin sa mga ito ang maaaring maisama, batay sa fiscal space at kakayahan ng gobyerno.
Sinisikap rin aniya nilang maaprubahan ang 2026 national budget na mas mababa sa isinumiteng ₱6.793 trilyon sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
















