-- Advertisements --

Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 2020 bilang Year of Filipino Health Workers.

Nakasaad sa Proclamation No. 976, ang pangangailangan na bigyang-pugay ang kabayanihan at sakripisyo ng mga doctors, nurses, midwives at lahat ng health workers na itinataya ang kanilang buhay sa linya ng kanilang serbisyo lalo na ngayong humaharap sa COVID-19 pandemic ang Pilipinas.

Maliban dito, ang Pilipinas, bilang miyembro ng World Health Organization (WHO) ay sinusuportahan ang deklarasyon nito na nagsasaad na dapat bigyang pagkilala ang lahat ng health workers.

Iniatas naman sa Department of Health (DOH) ang pangunguna sa pag-oobserba ng Year of Filipino Health Workers habang ang mga LGUs, GOCC, SUCs at iba pang departamento ng pamahalaan ay hinihikayat na makipagtulungan at asistehan ang DOH sa implementasyon ng proklamasyong ito.

Lahat naman ng national local publications, TV networks at radio stations ay hinihikayat na makiisa sa pagpapakalat ng awareness at public support sa mga programa at aktibidad na mayroong kinalaman sa selebrasyon nito.

Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang naturang proklamasyon nitong Hulyo 6.