KORONADAL CITY – Nagpahayag ng sama ng loob ang ilan sa mga kaanak ng Maguindanao massacre victims matapos malamang posibleng matagalan pa ang promulgation o pagbaba ng hatol sa kaso.
Ito’y matapos hingin ni Judge Jocelyn Solis Reyes sa Korte Suprema na bigyan pa siya ng isang buwan bago mailabas ang kaniyang desisyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jan Chienne Maravilla, anak ng isa sa mga biktima ng masaker na si dataing Bombo Radyo Koronadal Chief of Reporters Bombo Bart Maravilla, nasaktan aniya ang kanilang pamilya sa muli na namang pagpapaliban ng pinakahihintay nilang pagkamit ng hustisya.
Dagdag pa nito na pati ang iba pang mga kamag-anak ng mga namatay sa masaker ay unti-unti na ring nawawalan ng pag-asa lalo na at magsa-10 taon na silang naghihintay ng hustisya para sa mga biktima.
Samantala, “nagpaparamdam” din daw sa panaginip ang kanilang ama ngunit siniguro nitong maghihintay pa rin sila sa kahihinatnan ng kaso laban sa prime suspects at iba pang may kaugnayan sa krimen.
Sa darating na November 23 na ang ika-10 taon ng malagim na trahedya na ikinamatay ng 58 katao na kinabibilangan ng 32 mamamahayag.
Humaharap sa 58 counts ng murder ang mahigit 100 akusado sa krimen, kabilang na si Andal Ampatuan Jr.