NAGA CITY – Sugatan ang dalawang sundalo matapos magkasagupa ang tropa ng pamahalaan at mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Tible, Lupi, Camarines Sur.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Police Regional Office (PRO)-5, nabatid na nagsasagawa ng combat operation ang 9th Infantry Battalion, Philippine Army sa naturang lugar nang makasagupa ng mga ito ang tinatayang nasa 15 miembro ng mga rebelde sa ilalim ng pamumuno ni Marklim Mendoza.

-- Advertisement --

Tumagal ng halos 25 minuto ang palitan ng putok ng magkabilang panig bago tuluyang tumakas ang mga rebeldeng grupo.

Samantala, nagtamo ng sugat ang dalawang sundalo na sina SSgt. Mabasag at Cpl. Toledo habang hindi naman matukoy kung ilan din ang sugatan sa panig ng mga rebelde.

Sa ngayon, nagpapatuloy naman ang isinasagawang checkpoint operation ng mga otoridad habang mahigpit din ang pagmo-monitor sa mga clinic at ospital para matukoy ang pinagdalhan ng mga sugatang rebelde.