-- Advertisements --

Patay ang dalawang sundalo sa nangyaring inkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng Communist-NPA-Terrorists (CNTs) sa Barangay Babaklayon, San Jose De Buan, Samar.

Batay sa report na inilabas ng Philippine Army (PA), pwersahan umanong inuukupa ng mga rebelde ang ilang private properties sa naturang barangay, at ginagamit ang mga ito bilang hideout, isang hayagang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).

Nagpadala naman ng mga sundalo ang 8th Infantry Division upang magsagawa ng validation sa naturang ulat ngunit pagdating sa lugar ay pinaputukan umano sila ng mga rebelde, sa kabila ng presensiya ng mga sibilyan.

Sa sumunod na bakbakan, nasawi ang dalawang sundalo habang agad tumakas ang mga rebelde. Nagpapatuloy pa rin ang pursuit operations ng mga otoridad.

Lumalabas din na may isang sibilyan na nasugatan sa palitan ng putok, ngunit nasa maayos na kalagayan.

Samantala, nangako ang PA ng sapat na tulong sa mga pamilyang naulila ng dalawang nasawing sundalo. Makakatanggap din ng full military honors ang dalawang sundalo.

Pagtitiyak ng PA, mananatiling buhay ang kabayanihan ng dalawang sundalo, at magsisilbing motibasyon sa para sa tuloy-tuloy na pagtugis sa mga rebelde.