-- Advertisements --

Napatay ang dalawang staff ng Israeli Embassy sa shooting incident sa labas ng Jewish museum sa Washington, D.C., gabi nitong Miyerkules, oras sa US.

Ayon kay Metropolitan Police Department chief Pamela Smith, nasa kustodiya na ang suspek sa krimen. Base sa preliminary investigation, palabas na ang mga biktima mula sa isang event sa Capitol Jewish Museum nang mangyari ang pamamaril.

Naniniwala silang walang kasabwat ang suspek at mag-isa lamang niyang isinagawa ang krimen. Bago kasi ang pamamaril, nakita ang suspek na umaaligid na sa labas ng museum.

Natukoy naman ang suspek na si Elias Rodriguez, 30 anyos mula sa Chicago na nilapitan ang grupo ng apat na katao saka nagpaputok ng kaniyang baril na ikinasawi ng dalawang staff members ng embahada.

Ayon kay Smith, isinisigaw ng suspek ang mga katagang “Free Free Palestine” habang nasa kustodiya.

Ayon naman kay Israeli Ambassador to the US Yechiel Leiter, ang napatay na kanilang dalawang staff members ay young couple na nakatakdang mag-engage kung saan plano sanang mag-propose ng lalaki sa kaniyang kasintahan sa susunod na linggo sa Jerusalem.

Nagpaabot naman ng pakikiramay si US President Donald Tump sa mga pamilya ng dalawang nasawing Israeli Embassy staff.

Sa kaniyang mensahe sa Truth Social, kinondena ni Trump ang nangyari at sinabing dapat na mawaksan na ngayon ang marahas na pagpatay sa District of Columbia na malinaw aniyang bunsod ng antisemitism o pagkamuhi sa Jews.

Inihayag din ni Trump na walang puwang ang pagkamuhi at radikalismo sa Amerika.