Kinumpirma ng National Police Commission na kasama sa kanilang mga sinampahan ang dalawa sa mga police officials ng Pambansang Pulisya na sinasabing inirekomenda nito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggapin ang kanilang mga courtesy resignation.
Ito ang inihayag ng Napolcom sa isang pulong balitaan kasabay ng kanilang anunsyong sinampahan na nila ng kasong kriminal ang 50 mga pulis na umano’y may kaugnayan sa kontrobersyal na 990kg biggest drug haul sa buong kasaysayan ng PNP.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Alberto Bernardo, ang dalawang ito ay ang dalawa sa 50 mga pulis na una nang sinabi nito na hindi nakita sa CCTV footage na inilabas noon ngunit sangkot naman sa conspiracy na may kaugnayan sa nasabing krimen.
Paliwanag ni Atty. Bernardo, hindi man nakita sa nasabing cctv ang direktang pagkakasangkot ng naturang mga opisyal sa krimen na ito ay sinabi niya na ang kanilang pagsasampa ng kaso laban sa dalawa ay batay sa sinumpaang salaysay ng iba pang mga pulis na kanilang mga nakasama na bumitbit sa kanilang mga pangalan sa kasong ito.
Sa ngayon ay tumanggi muna ang napolcom na pangalanan ang dalawang ito sa kadahilanang may sinusunod anila silang proseso ukol dito.
“Yung 2 sa 4 [police officials na inirekomendang tanggapin ang courtesy resignation] ay nasama rito sa sinampahan namin sa Office of the Ombudsman.” ani Napolcom Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Alberto Bernardo.
Dagdag pa niya “Sa conspiracy kasi definition may agreement and decided to commit ito. Ngayon yun agreement kailangan patunayan natin na nagkasundo sila prior to the happening, technical na rin eh at yung deciding to commit it merong over act. Yun ang sinasabi naming hindi sila nakita sa CCTV kaya hindi namin sila sinama kaagad subalit base doon sa kanilang sinumpaang salaysay na kasama nila ito yung bumitbit, ito yung nagdala at hindi sila makararating sa kanila yun kungdi rin inutos sa kanila at tinawag, meron naman kasing 3 na maaring maging conspirator, direct participation, indispensable cooperation saka yung by inducement. Lumalagay kung hindi nila tinulungan, hindi nilia magagawa yung krimen na kinalalagyan nila ngayon. That is the fairest way that we would be able to describe kasi naifile na doon kaya eventually that will be decided by the Office of the Ombudsman.”
Kung maalala, sa 50 mga police officers na sinampahan ng kasong kriminal ng pnp at napolcom sa ombudsman, 12 sa mga ito ay pawang mga police commissioned officers kung saan kasama rin sina dating Deputy Chief for Operations PLTGEN Benjamin Santos Jr., at dating PNP Drug Enforcement Group Director PBGEN Narciso Domingo.
Matatandaang, una nang nilinis ni dating PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. ang kanilang mga pangalan mula sa pagkakasangkot sa nasabing krimen matapos silang madiin dito nang una na silang pangalanan ni Napolcom Chairperson at DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. ang dalawa kasama ang iba pang mga police officers na may kaugnayan sa nasabing kaso.
Ngunit paglilinaw ngayon ng Napolcom, sina PLTGEN Santos at PBGEN Domingo, ay kasama sa mga kinasuhan ngayon ng criminal charges nang dahil sa command responsibility na ipinaiiral sa Pambansang Pulisya.
“Meron kasing command responsibility sa uniformed service. Kapag ikaw ang dumating sa crime scene, you assumed that kind of responsibility. At that time siya [PLTGEN Benjamin Santos Jr.] yung DCO. Kung operations ka you are supposed to be mindful of all of those situations kaya ikaw yung highest authority, nothing will happen below kung hindi ito inauthorize kaya initially yun lang muna ang masasabi natin infairness naman kay Lt. Gen. Santos we cannot dwell on the details”
Maaalala na una na ring sinabi ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Atty. Alberto Bernardo na posibleng madagdagan pa ang mga kasong isinampa laban sa nasabing mga pulis o madagdagan pa mismo ang bilang ng mga pulis na posibleng sangkot sa nasabing krimen depende sa magiging takbo ng paggulong ng kaso at ng kanilang ginagawang imbestigasyon.