Inaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police anti-scalawag ang dalawang pulis sa lalawigan ng Cavite na nangikil ng pera mula sa isang Egyptian national kapalit ng pag-atras ng kasong sexual assualt ng banyaga.
Ayon kay Brig. Gen. Warren de Leon, Director of the PNP – Integrity Monitoring and Enforcement Group, natukoy ang dalawang pulis na suspek sa extortion na sina Staff Sgt. Randy Batonghino, na nakatalaga sa Imus City Police Station, at si Corporal Roderick Bajado, na naka-assign naman sa Dasmariñas City Police Station.
Sa inisyal na imbestigasyon, naaresto ang dalawang pulis sa may Barangay Salitran 4 sa lungsod ng Dasmariñas dakong alas-5 ng gabi noong Hulyo 6 sa ikinasang entrapment operation matapos na humingi ng tulong ang Egyptian mula sa mga awtoridad.
Ayon sa dayuhan, hiningan umano siya ni Bajado ng P200,000 kapalit ng pag-atras ng kasong panghahalay subalit itinanggi naman ng dayuhan ang kasong ibinabato laban sa kaniya.
Nagtungo din aniya si Corporal Bajado kasama ang rape victim kaniyang bahay noong Hulyo 2 at nagkasundo umano sa settlement money apat na araw bago ang isinagawang entrapment operation.
Tinanong pa umano siya ni Corporal Bajado kung magkano ang maibibigay nito na pera upang hindi na ituloy ang kaso laban sa kaniya o kung hindi ito makapagbigay ng pera ay kakasuhan umano ito, makukulong at isisiwalat sa social media na makakasira sa kaniyang reputasyon.
Sinibak na ang dalawang pulis na sangkot sa extortion at kinumpiska ang kanilang identification cards, mobile phones, at service firearms kabilang na ang extortion money at nahaharap sa kaukulang kaso.