KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Bagumbayan PNP hinggil sa nangyaring aksidente sa daan na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng dalawang iba pa sa bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mga biktima sa forward Isuzu truck na may kargang palm oil na minamaneho ni Nazario Olivar Jr, 30 anyos at residente ng Brgy. EJC Montilla, Tacurong City.
Ayon sa kapulisan, papunta sana sila sa lungsod ng Tacurong mula sa Brgy. Limuay sa bayan ng Senator Ninoy Aquino ngunit pagdating nila sa Sitio Little Baguio, Brgy. Chua sa Bagumbayan sa pa-kurbadang daan, nawalan umano ng preno ang sasakyan kaya tumalon palabas ang apat sa mga sakay nito.
Dead on the spot sina Roselo Judilla 31 anyos at Gabriel Judilla, 35 anyos at residente ng Brgy EJC Montilla, habang sugatan naman sina Edwin Hiso, at Jeric Dela Cruz.
Samantala, wala namang natamong sugat sa katawan ang driver na si Olivar at isa pang pasahero na si Jeric Judilla.
Kasalukuyan na ngayong nasa kustodiya ng kapulisan si Olivar kasunod ng pangyayari.