-- Advertisements --

Nagbabala ang mga grupo ng magsasaka sa napipintong pagkalugi ng aabot sa P12-B sa sektor ng agrikultura, sakaling ituloy ng pamahalaan ang panukalang tuluyang tanggalin ang taripa sa mga inaangkat na mais.

Pormal na naghain ng mariing pagtutol ang Federation of Free Farmers (FFF) at MAGSASAKA Party-list laban sa hakbang na ito.

Ayon kay FFF Board Chairman Leonardo Montemayor, bagama’t layunin ng panukala na maibaba ang presyo ng baboy at manok sa gitna ng krisis sa enerhiya, labis na maapektuhan ang kabuhayan ng mga lokal na nagtatanim ng mais.

Binalaan ng grupo na kung babagsak ang farmgate price, posibleng mapilitan ang kalahati ng mga magsasaka na itigil na ang kanilang produksyon.

Iginiit ni Montemayor na hindi makatarungan ang naturang hakbang dahil batay sa kanilang pag-aaral, wala pa sa isang porsyento ang inaasahang ibababa sa retail price ng mga karne.

Ayon sa kanila, masyadong maliit ang epekto nito sa mga mamimili kumpara sa bilyun-bilyong pisong mawawala sa mga lokal na magsasaka.

Sa kasalukuyang umiiral na sistema, pinapatawan ng lima hanggang 15 porsyentong taripa ang lahat ng corn imports na pumapasok sa bansa.

Base sa huling datos, nasa 60 porsyento lamang ng kabuuang suplay ng mais sa bansa ang nanggagaling sa lokal na produksyon, habang ang natitira ay inaangkat na sa ibang bansa.

Bilang alternatibong solusyon, iginiit ng FFF at MAGSASAKA Party-list na hindi dapat sa mga nagtatanim ng mais ipasa ang pasanin.

Sa halip, hinikayat nila ang gobyerno na magkasa ng mas direktang tulong para sa mga hog and poultry raisers sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas murang farm inputs.