-- Advertisements --

CEBU CITY – Bagama’t nakapagbakuna na sa ibang bansa, nagpositibo pa rin sa Coronavirus Disease (COVID) ang dalawang Overseas Filipino Workers (OFWs) pagkabalik sa Cebu.

Sa isang statement, inihayag ng Department of Health Region (DOH)-7 na galing sa United Arab Emirates (UAE) at Canada ang dalawang OFW.

Ang unang pasyente na naturukan ng COVID vaccine noong Disyembre 12, 2020 at nitong Enero 2 lamang, ay dumating sa Cebu noong Enero 5. Kaagad itong isinailalim sa mandatory quarantine at nakalabas noong Enero 20.

Gayunman, nagpositibo ito sa sakit matapos lumabas ang RT-PCR (real-time reverse transcription polymerase chain reaction) test noong Pebrero 8 nang pabalik na sana ito sa bansang pinagtatrabahuan bilang requirement.

Samantala, dumating naman sa Cebu ang ikalawang pasyente noong Pebrero 9 at unang nakatanggap sa bakuna noong Enero 13.

Nagpositibo ito sakit matapos ang lumabas ang RT-PCR test sa ika-limang araw ng mandatory quarantine noong Pebrero 14.

Parehong asymptomatic ang dalawang pasyente.

Ayon pa sa DOH-7, hindi garantiya ang pagpabakuna na hindi na mahahawaan ng COVID ang isang indibidwal.

Payo nito sa publiko na palaging sumunod pa rin sa health protocols.