CAGAYAN DE ORO CITY – Nahaharap sa kasong kriminal ang drayber ng trailer truck matapos masangkot sa aksidente na ikinasawi ng dalawang motorista sa may bahagi ng Sayre Highway, Purok 7, Brgy. Upper Puerto, lungsod ng Cagayan de Oro.

Kinilala ang suspek na si Joaquin Alcala, residente ng Barangay Dansolihon.

Sinabi ni Puerto Police Station commander P/Cpt. Mario Mantala Jr na nangyari ang madugong aksidente nang bumangga ang motorsiklong minamaneho ni Joel Sadlucap, 33, taga-Brgy. Mambatangan, Manolo Fortich, Bukidnon; at backride nitong si Hermer Clavejo, 35, residente sa Barangay Balubal sa nakaparadang trailer truck.

Dahil sa lakas ng impact, dead on the spot ang dalawang motorista na kapwa mga lasing galing fiesta.

Lumabas din sa imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO) na lumabag sa panuntunan ng kalsada ang truck driver kung saan nakaparada ito sa gilig ng highway.