-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sumuko sa Philippine Army ang dalawang mataas na lider ng Southern Front Kometing Rehiyon-Panay New People’s Army.

Ang mga sumuko ay sina alyas Baby, 33, political guide at medical officer ng squad 2 Suyak Platoon at alyas Agila, 51, team leader ng CPP-NPA Special Partisan Unit (SPARU) ng Komiteng Rehiyon-Panay.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay alyas Baby, sinabi nito na 17 taon pa lang siya ng maging kasapi ng New People’s Army.

Ayon kay alyas Baby, hindi na niya kaya ang masalimuot na buhay ng isang rebelde kung kaya’t nagdesisyon siyang bumalik sa sabak ng gobyerno.

Inihayag rin ni alyas Baby na wala siyang natanggap na sweldo kahit mahirap ang kanyang trabaho sa bukid.

Ayon naman kay alyas Agila, 15 taon pa lang siya ng maging miyembro ng New People’s Army at hindi na niya kaya ang mahirap na pamumuhay sa bukid.

Inihayag ni alyas Agila na lubos siyang nadala sa propaganda ng rebelde ngunit hindi niya akalain na gutom at paghihirap lang ang kanilang aabutin.

Inako rin ni alyas Agila na ang kanilang ginagamit na armas ay galing sa mga pulis na kanilang dinisarmahan.

Kabilang sa isinuko ng dalawang rebelde ay ang colt rifle, magazine at 5 rounds ng live ammunitions ng 5.56MM, vintage rifle na may 10 rounds ng 7.62 live ammunitions, US long springfield 30 caliber rifle, 18 rounds live ammunitions ng 30 caliber, 38 caliber pistol, 6 rounds ng live ammunitions, 3 rounds empty shell ng 40MM at mga subversive documents.