Suspendido ngayong araw, Enero 12, ang pasok ng mga paaralan sa buong lalawigan ng Bohol at Negros Oriental dahil sa nararanasang matinding pag-ulan dala ng low pressure area (LPA).
Hindi bababa sa 36 na mga local government units naman sa lalawigan ng Cebu ang nag-anunsyo ng suspensyon ng klase.
Sa Negros Oriental, pinasok na ng tubig baha ang mga kabahayan maging ang paaralan sa Tanjay National High School dahil sa walang tigil na mga pag-ulan.
Bukod dito, nakitaan naman ng pagtaas sa lebel ng tubig sa mga ilog at umapaw ang Brgy. Banban at sa Brgy. Luyang sa bayan ng Mabinay.
Inihayag ni Negros Oriental Governor Roel Degamo na patuloy ngayon ang kanilang isinagawang monitoring upang ma-secure ang mga nasasakupan.
Sinabi pa ni Degamo na may mga nakahanda na ring tulong sakaling may mga lumikas na residente mula sa kanilang mga tahanan.
Nanawagan naman ito sa mga naninirahan malapit sa dagat at ilog maging sa mga landslide prone areas na lumikas upang walang maitatalang casualties.
















