CENTRAL MINDANAO – Patay ang dalawa katao at isa ang nakatakas sa inilunsad na anti-drug operation ng mga otoridad sa lalawigan ng Maguindanao.
Nakilala ang mga nasawi na sina Habib Abad alyas Kebe ,29 anyos at Alden Basigan,32 habang nakatakas naman si Murad Lacson,mga residente ng Purok San Antonio Brgy Polloc Parang Maguindanao.
Ayon kay Parang Chief of Police,Lieutenant Colonel Ibrahim Jambiran na habang nagsagawa sila ng buybust operation malapit sa tahanan ng mga suspek ay natunugan nito na mga pulis ang kanilang ka-transaksyon.
Mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng motorsiklo kaya hinabol ito ng pulisya at nangyari ang palitan ng bala sa magkabilang panig.
Patay on the spot sina Abad at Basigan na nagtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan habang nakatakas si Lacson.
Narekober sa mga suspek ang dalawang .22 revolver,mga bala at isang pakete ng shabu.
Dagdag ni Lt/Col Jambiran na ang mga suspek ay matagal na nilang minamanman na sangkot sa pagbibinta ng pinagbabawal na droga,gun for hire,robbery hold-up at carnapping.
Sa ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng Parang PNP si Lacson at iba pa nitong mga kasamahan.