ROXAS CITY – Patay ang isang mister matapos nagbigti sa kanilang bahay sa Barangay Mainit, Cuartero, Capiz.
Kinilala ang biktima na si alyas Tata, 37-anyos ng naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Executive Master Sergeant Richard Franco, tagapagsalita ng Cuartero-Philippine National Police, inihayag nito na lasing na umuwi sa kanilang bahay ang biktima at naghahanap ng makakain sa kaniyang misis.
Gayunman, hindi raw ito pinansin ng asawa at sa halip ay ang pitong taong gulang na anak nito ang nagsilbi ng pagkain.
Ikinagalit ito ng biktima kaya naihagis niya ang plastik na upuan sa kaniyang misis na natamaan sa mata.
Nang nahimasmasan ay humingi ito ng tawad sa kaniyang misis ngunit hindi na ito pinapansin.
Kinaumagahan, sinabihan ng mister ang asawa nito na magpakonsulta sa ospital ngunit wala pa rin daw itong imik.
Sa labis na pagsisisi matapos mapagbuhatan ng kamay ang kaniyang misis, ay nagbigti ang biktima sa kanilang kusina gamit ang isang lubid.
Nakita pa umano ng misis ang kaniyang asawa na yakap-yakap ang anak bago ito pumasok sa kanilang silid ngunit hindi inaasahan na magpapakamatay pala.
Mismong ang kanilang anak ang kumaripas ng takbo papuntang sa kaniyang ina upang sabihin na nagbigti ang ama nito.
Sinasabing nag-iwan pa ng “suicide note” ang biktima kung saan nakasulat na humihingi ito ng kapatawaran sa kaniyang asawa.