CEBU – Iniharap ng otoridad sa mga miyembro ng media ang dalawang Chinese National na naaresto ng Police Central Visayas matapos nasangkot sa kasong kidnapping sa tatlong kababayan nito.
Kinilala ang dalawang suspek na sina A Gui at Xiao Fan na dumukot umano sa tatlong Chinese National at iligal na itinago sa Techwood Subdivision, Barangay Soong, Lapu-Lapu City.
Napag-alaman na kapwa nagtrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa lungsod ng Lapu-Lapu ang dalawa.
Nakuha ng operatiba ang impormasyon tungkol sa naturang insidente matapos matanggap ang impormasyon mula sa Chinese Consulate kaugnay sa tatlong Chinese na illegally detained sa isang subdivision. Nangyari umano ang negosasyon sa kidnap for ransom sa bansang China matapos humingi ng malaking halaga ng pera ang mga suspek kapalit ang kalayaan ng mga biktima.
Tinitingnan na ng PRO-7 ang kaugnayan ng mga suspek sa iba pang Chinese na nagtatrabaho sa POGO na sangkot sa kahalintulad na krimen.
Ayon kay PRO-7 Director Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, isang “isolated case” ang naturang insidente ngunit patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa koneksiyon ng mga suspek sa mga Chinese National na iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon Committee.
Samantalang nasa ligtas na sitwasyon ang tatlong biktimang Chinese matapos ma-rescue mula sa kamay ng mga kababayan nitong Chinese National.