Posibleng magtaas na ng tropical cyclone wind signals sa ilang lugar sa bansa dahil sa umiiral na sama ng panahon.
Ang unang bagyo ay ang tropical storm Maring na lumakas pa sa nakalipas na mga oras, mula sa pagiging tropical depression lamang.
Namataan ang sentro nito sa layong 815 km sa silangan ng Visayas.
Taglay ng tropical storm Maring ang lakas ng hangin na 85 kph at may pagbugsong 105 kph.
Kumikilos ito ng pasilangan hilagang silangan sa bilis na 15 kph.
Inaasahang magla-landfall ito sa Northern Luzon.
Samantala, ang dating low pressure area (LPA) kahapon sa silangan ng Luzon ay naging ganap na ring bagyo at tinawag na tropical depression Nando.
Namataan ito sa layong 1,220 km sa silangan ng Northern Luzon.
May taglay itong lakas ng hangin na 55 kph at may pagbugsong 70 kph.
Kumikilos ang nasabing sama nang panahon na pakanluran o papalapit sa Pilipinas, sa bilis na 25 kph.