NAGA CITY- Arestado ang dalawang indibidwal matapos pagbabarilin ang isang 59-anyos na lalaki sa bayan ng Ocampo Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Santiago Competente, residente ng Brgy. San Jose Oras ng nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Reimon Joy Paano, imbestigador ng Ocampo MPS sinabi nito na una umanong nagkaroon ng argumento ang biktima at ang mga suspek na kinilalang sina Jesus Villegas Jr at Jobert Villegas parehong nasa tamang edad.
Ayon kay Paano, sa gitna ng pag-aaway ng nasabing mga indibidwal ng bigla umanong bumunot ng pinaniniwalaang revolver si Jesus at pinaputukan ang biktima na nagtamo ng tama sa kanyang braso.
Agad naman umanong isinugod sa ospital ang biktima para sa karampatang lunas kung saan kasalukuyan na itong nagpapagaling.
Samantala matapos ang insidente ay agad naman umanong tumakas ang mga suspek ngunit agad naman itong nahuli matapos ang isinagawang hot pursuit operation ng mga otoridad.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing mga suspek habang hinahanda an ang kasong isasampa laban dito.