-- Advertisements --

Pinaghahanda ng state weather bureau ang mga mamamayan sa Metro Manila sa posibleng mga pag-ulan na maaaring tumagal hanggang sa araw ng Linggo, Oct. 19 dahil sa epekto ng bagyong Ramil.

Ayon kay Dr. Marcelino Q. Villafuerte, Deputy Administrator ng naturang ahensiya, maaaring bumuhos sa capital region ang 50mm hanggang 100mm na ulan o mas higit pa dahil sa naturang bagyo.

Maaari aniyang magdulot ito ng biglaang pagbaha, lalo na sa mga mabababang komunidad at mga malimit na binabahang lugar.

Hindi rin inaalis ng weather bureau ang posibilidad na mas mataas na bulto ng ulan ang bubuhos dahil sa naturang bagyo.

Paliwanag ni Vilalfuerte, nasasaklawan ng bagyo ang malaking bahagi ng capital region kaya’t naaapektuhan ito ng pag-ulang dala ng bagyo na posibleng magtatagal pa hanggang Oktubre 17. Maliban sa Metro Manila, maaaring maranasan din ng iba pang lugar sa Luzon at Visayas ang kahalintulad na sitwasyon o mas mabibigat na pag-ulan dahil sa bagyo.

Samantala, ayon kay Dir. Shirley David, Deputy Administrator for Administration and Engineering Services ng weather bureau, sa kasalukuyan ay maraming lugar na ang nakakaranas ng mga pag-ulang dulot ng bagyo.

Inaasahan aniyang magtatagal ang mga naturang pag-ulan hanggang sa tuluyan nang makatawid ang bagyo sa kalupaan ng bansa.