CENTRAL MINDANAO – Naglunsad nang focused military combat operation ang Joint Task Force Central laban sa mga armed lawless groups (ALGs) sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central commander M/Gen. Juvymax Uy na target sa operasyon ng pinagsanib na pwersa ng 40th Infantry (Magiting) Battalion Philippine Army, kasama ang tropa ng 1st Mechanized Infantry battalion, 2nd Mechanized Infantry Battalion at 7th Field Artillery Battalion sa Brgy Langgapanan, Sultan Sabarongis, Maguindanao ang isang Kumander Edsraafil Manalasal Guiwan, BIFF field commander ng Karialan faction.
Si Guiwan ay sangkot umano sa serye ng pagpapasabog ng improvised explosive devise (IED) sa Brgy Bagumbayan, President Quirino, Sultan Kudarat, na may warrant of arrest sa kasong attempted murder.
Kasama rin sa huhulihin si Lakim Esmael alyas MAC4, dating miyembro ng kidnap for ransom group (KFRG) sa ilalim ni Tahir Alonto na sangkot raw sa kidnapping, pagbebenta ng ipinagbabawal na droga at pangingikil.
Sinabi ni 40th IB commander Lt/Col. Rogelio Gabi, natunugan ng mga suspek ang kanilang operasyon kaya ito ay nakatakas.
Narekober ng mga sundalo sa combat clearing operation ang dalawang home made RPG, home made uzi, home made 12-gauge shot gun, dalawang RPG ammunition, bandolier, mga cellphone at mga kagamitan sa paggawa ng IED.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ng militar ang mga suspek katuwang ang pulisya sa bayan ng Sultan Sabarongis, Maguindanao.