-- Advertisements --

Umaabot sa libu-libo ang bilang ng mga mobile numbers ang na-block ng PLDT Inc. at ng mobile subsidiary nito na Smart Communicatios Inc. dahil sa pagiging konektado umano ng mga ito sa mga digital pyramiding schemes na talamak ngayon sa bansa.

Pumalo sa 19,000 ang mga mobile number na na-block ng nasabing telco company habang nasa 5,693 naman ang bilang ng mga user access sa mga online websites na konektado sa makabagong modus ng panloloko na binuo ng isang global syndicate.

Mahigit 100 domains naman ang natuklasang sangkot sa pagpapakalat ng SMS spam modus.

Nagsimulang mag-block ng mobile numbers at mga IP address ang PLDT Inc. dahil sa biglang pagsipa ng pagtaas ng bilang ng mga kumakalat na spam text messages na natuklasan din anila na nagmula ito sa mga rehistradong users ng isang online messaging platform na WhatsApp.

Ayon kay PLDT at Smart Cyber Security Operations chief of Information Security Angel Redoble, sinamantalang pagkakitaan ng mga taong nasa likod ng nasabing panloloko ang mataas na unemployment rate sa bansa dahil sa pagtama ng COVID-19 pandemic.

Bilang hakbang sa pagpigil ng nasabing scam ay ipinag-uulat na ng National Privacy Commission (NPC) ang mga data protection officers ng mga telecommunications company, online shopping applications, at mga bangko kaugnay sa kanilang planong isagawang mga pamamaraan upang maagapan ang ganitong klase ng modus sa bansa.

Magugunita na kamakailan lang nang magsimula ang pagkalat ng mga spam text messages mula sa mag unknown numbers na nag aalok ng trabaho na may malaking kita. (with reports from Bombo Marlene Padiernos)