CENTRAL MINDANAO- Nagpositibo sa Coronavirus (Covid 19) pandemic ang isang estudyante sa probinsya ng Cotabato.
Ang biktima ay 19 anyos,lalaki, estudyante sa isang kolehiyo sa Davao City at residente ng M’lang North Cotabato.
Ayon sa ulat ng Department of Health (DOH-12) ang biktima ay nakisakay sa isang ambulansiya na may dalang pasyente mula sa Davao City patungong M’lang Cotabato.
Hindi kasali sa ambulance trip manifest ang biktima at hindi nakapagrehistro sa Task Force Sagip nang dumating ito sa Mlang noong Mayo 6.
Hindi rin sumailalim sa 14 day quarantine ang binata at walang quarantine certificate mula sa Davao City.
Noong mayo 9 nakaranas ng sore throat ang binata at pinainom ng antibiotics ng Mlang Municipal Health Office (MHO).
Hanggang Mayo 14 hindi pa rin gumaling sa kanyang sore throat ang estudyante kaya kinunan sya ng swab specimen at pagdating ng Mayo 17 nagpositibo ito sa Covid 19 sa PCR test.
Naglunsad rin ng malawakang contact tracing ang MHO Mlang sa mga nakasalamuha ng estudyante kasali na ang kanyang pamilya,mga kaibigan, 2 nurses, doktor at driver ng ambulansya.
Nag-imbestiga na rin ang DOH at Inter-Agency Task Force on Covid 19 sa hindi pagsunod sa mga alituntunin na umiiral sa bansa kontra sa nakakahawang sakit.