Nanawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng mabilis, independiyente at masusing imbestigasyon sa sunog sa M/V June Aster sa Coron, Palawan, na ikinasawi ng ilang pasahero at nag-iwan ng mga taong patuloy na hinihintay ang balita tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Pangilinan, kailangang matukoy ng imbestigasyon ang sanhi ng insidente, mga pagkukulang at mga dapat managot, gayundin ang mga repormang kailangang ipatupad upang hindi na maulit ang ganitong trahedya.
Binigyang-diin niya na pangunahing pananagutan ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga pasahero sa paglalayag, lalo’t halos 190,000 passenger movements ang naitatala sa mga pantalan ng Pilipinas araw-araw.
Dapat umanong tiyakin ng mga regulatory agency, port authority, ship operator at tripulante na ligtas at karapat-dapat maglayag ang bawat barko.
Kabilang sa mga kailangang masiguro ang maayos na fire-prevention at fire-suppression systems, madaling maabot na life-saving equipment, malinaw at accessible na emergency exits, tumpak na passenger manifests at sapat na training ng mga tripulante para sa pagtugon sa emergency.
Ayon kay Pangilinan, isang chain ang kaligtasan sa paglalayag at may pananagutan ang bawat sektor—mula sa pagsunod ng mga operator sa pamantayan, mahigpit na inspeksyon ng mga regulator at kahandaan ng mga tripulante, hanggang sa pakikinig ng mga pasahero sa safety briefing at agarang pag-uulat ng anumang panganib.
Iginiit niyang hindi dapat magtapos sa rekomendasyon lamang ang imbestigasyon. Kailangang mauwi ito sa malinaw na hakbang para sa mas ligtas na mga barko, mas mahigpit na inspeksyon, mas mabilis na pagtugon sa emergency at pagbabalik ng tiwala ng publiko sa paglalakbay sakay ng mga ferry sa buong bansa.
Sa huli, nagpaabot naman ng pakikiramay si Pangilinan sa mga pamilya ng mga nasawi at nagpahayag ng pakikiisa sa mga patuloy na naghihintay ng balita tungkol sa kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.
















