KORONADAL CITY – Patuloy ang damage assessment ng Office of Civil Defense XII sa mga lugar sa Region 12 na naapektuhan ng malakas na ulan na nagdulot ng flash flood at landslide.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay OCD 12 Information Officer Anne Santos, iniulat ang pagbaha sa Barangay Landan at Maligo sa bayan ng Polomolok, South Cotabato kung saan umapaw ang mga ilog at kanal.
Dahil dito, ilang pamilya ang pansamantalang inilikas sa evacuation centers.
Samantala, nakunan ng video sa Alamada, Cotabato ang ilang estudyante na isinakay sa kalabaw upang makatawid sa rumaragasang ilog.
May naitalang landslide sa matatarik na bahagi ng South Cotabato na nakaapekto sa ilang sasakyan at ari-arian, ngunit wala namang naiulat na nasawi o malubhang nasugatan.
Patuloy ang monitoring ng OCD XII sa lagay ng panahon at lebel ng tubig sa mga ilog.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto, iwasan ang mga delikadong lugar, at sumunod sa abiso ng lokal na pamahalaan para sa kaligtasan.
















