-- Advertisements --

Inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Sabado ang 17 indibidwal dahil sa umano’y iligal na refilling at rebranding ng mga tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Sta. Quiteria Road sa Caloocan City.

Ayon sa pulisya, nahuli ang mga suspek matapos salakayin ang compound ng kumpanya kung saan sila nagtatrabaho.

Bitbit ang search warrant, nagsagawa rin ng imbentaryo ang mga awtoridad sa mga nakumpiskang kagamitan gaya ng mga gamit sa rebranding at refilling, mga bakanteng LPG tank, pintura, at isang tanker.

Dumalo rin sa operasyon ang kinatawan ng isang petroleum company.

Ayon sa NCRPO, maaaring managot ang mga sangkot sa ilalim ng Section 43 ng Republic Act 11592 o LPG Industry Regulation Act.

Babala ng pulisya, delikado ang iligal na rebranding at refilling ng LPG tanks dahil maaari itong magdulot ng sunog at iba pang panganib kung hindi sumusunod sa itinakdang safety standards ng pamahalaan.

Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kinatawan ng sinalakay na kumpanya.