-- Advertisements --

Kinumpirma ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Win Gatchalian na kinakailangan ang 16 boto mula sa Senado upang mahatulan si Vice President Sara Duterte sa nalalapit na impeachment trial.

Ayon kay Gatchalian, nakasaad sa Article XI, Section 3(6) ng 1987 Constitution na walang opisyal na maaaring mahatulan sa impeachment proceedings nang walang pagsang-ayon ng 2/3 ng lahat ng miyembro ng Senado.

“Article XI, Section 3(6) of the 1987 Constitution states unequivocally that no person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate,” ani Gatchalian.

Ipinaliwanag niya na dahil nakapirmi sa 24 ang kabuuang bilang ng mga senador, mananatiling 16 na boto ang kinakailangan para sa conviction, anuman ang dami ng mga senador na dadalo sa paglilitis.

“With the Senate’s membership fixed at 24, the conviction threshold is 16 votes, and it will remain 16 votes regardless of how many senators attend the trial, which bloc controls the chamber, or who presides over the impeachment court,” dagdag niya.

Sa kasalukuyan, binubuo ng 12 senador ang paksyon ni Gatchalian, habang may 10 senador naman sa paksyon ni Senator Alan Peter Cayetano, hindi kabilang sina Senator Jinggoy Estrada at Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Samantala, itinakda ng Senate impeachment court, sa ilalim ng pamumuno ni Gatchalian, ang pre-trial conference sa Hunyo 18. Inatasan ang kampo ni Duterte at ang House prosecution panel na magsumite ng kani-kanilang pre-trial briefs bago ang Hunyo 15.

Nakatakda namang simulan ang trial proper sa Hulyo 6, 2026.

Inihayag din ni Gatchalian ang posibilidad na isang lawyer-senator ang maaaring magkaroon ng mahalagang papel sa pagdaraos ng impeachment proceedings. Kabilang sa mga abogado sa kanyang bloc sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Senador Francis “Chiz” Escudero.

Gayunpaman, sa ilalim ng umiiral na Senate rules, ang Senate President ang siyang dapat mamuno sa lahat ng impeachment trial, maliban kung ang Pangulo ng Pilipinas ang nililitis.

Bilang Acting Senate President, iginiit ni Gatchalian na siya ang mangunguna sa pagdinig ng impeachment case laban sa Bise Presidente.