-- Advertisements --

Nagpahayag ng matinding pangamba ang Department of Education (DepEd) ngayong Biyernes, Setyembre 18, kaugnay ng napaulat na insidente ng pamamaril sa loob ng Banga National High School sa bayan ng Banga, South Cotabato.

Nangyari ang pahayag matapos magdulot ng takot at alarma ang insidente kung saan sugatan umano ang ilang estudyante.

Sinasabing mabilis na isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital ang mga nasugatang mag-aaral upang lapatan ng agarang atensyong medikal at masuri ang kani-kanilang kalagayan.

Inihayag ng DepEd na nakikipag-ugnayan na ito sa pamunuan ng paaralan at sa mga awtoridad upang alamin ang buong pangyayari at makapagpaabot ng kinakailangang tulong sa mga naapektuhan.

Binigyang-diin ng ahensya na ang pangunahing prayoridad nito sa kasalukuyan ay ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan. Nakiusap din ang DepEd sa publiko na manatiling kalmado at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon.

Kasalukuyan namang nagpapatupad ng imbestigasyon ang mga elemento ng lokal na kapulisan upang alamin ang eksaktong bilang ng mga biktima at makuha ang mga detalye ukol sa motibo ng krimen.