-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inilikas ang ilang mga residente sa Ilocos Norte dahil sa pananalasa ng bagyong Florita kung saan malakas na ulan ang naranasan ng buong lalawigan.

Ayon kay Marcel Tabije, PDRRM officer, naisagawa ang rescue operation sa Barangay Gabut Sur sa bayan ng Badoc kung saan inilikas ang 11 na pamilya o 51 na katao.

Sa lungsod naman ng Batac, sinabi nito na dalawang pamilya o pitong katao ang inilikas sa City Evacuation Center; at isang pamilya sa bayan ng San Nicolas, at dalawang pamilya sa Pinili.

Sinabi nito na inilikas nila ang mga ito dahil pinasok ng tubig-baha ang kanilang bahay.

Sa bayan ng Pinili, nag-collapse ang tulay sa Purok River Side sa Brgy. Badio; isang kalabaw at isang baka naman ang nalunod dahil parin sa baha.

Maliban dito, may nangyari ring pagguho ng lupa sa Purok Namnama, Brgy. Liliputen ngunit ito ay natanggal na at nasira rin ang spillway sa Brgy. Buanga, at dalawang lugar naman sa Brgy. Capangdangan ang isolated ngayon dahil sa pag-apaw ng tubig sa spillways.

Bukod pa rito, sa bayan naman ng Vintar ay nahulog sa irigasyon ang isang sasakyan dahil nagkamali ito o hindi niya natantya ang pagliko dahil sa lalim ng tubig.

Samantala, sinuspendi na rin ni Gov. Mather Marcos Manotoc ang klase sa pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan, pati na rin ang pasok sa mga government offices.