-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Naniniwala ang hanay ng militar na malaking dagok sa New People’s Army (NPA) ang pagkakarekober ng nasa 14 na mga matataas na kalibre ng baril na isinuko ng mga rebelde.

Ayon kay Brig. Gen. Laurence Mina, commander ng 502nd Infantry Brigade, ang narekober na mga armas ay kinabibilangan ng isang M16 submachine gun, isang M14 armalite rifle, at 12 M16 armalite rifle na mula sa mga sumukong regular na miyembro ng NPA at anim na tinaguriang militia ng bayan.

Ilan lamang sa mga rebeldeng nagsuko ng mga matataas na baril at pampasabog ay sina Ramil Echore alyas Papi na miyembro ng Sub-Guerilla Central Front Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley na mula sa Dibuluan, San Marinao, Isabela; alyas Daryl, dating platoon leader at squad leader ng central front na mula sa lalawigan ng Samar at si alyas Likot, dating squad leader at platoon leader na mula sa Davao.

Si Daryl ay kabilang sa unang grupo ng NPA na mula sa Visayas bilang augmentation ng Northern Front noong taong 2017 at si alyas Likot ay ipinadala rin ng Central Front bilang augmentation noong taong 2017.

Ipinahayag pa ni Brig. Gen. Mina na malaking tulong sa pagtunton sa kinaroroonan ng mga matataas na kalibre ng baril ang pagkakahuli ng isang mataas na pinuno ng NPA noong Abril 2019.

Maliban sa mga baril ay narekober din ng tropa ng militar mula sa mga sumukong miyembro ng NPA at militia ng bayan ang mga sari-saring uri ng pampasabog at mga kagamitan sa paggawa ng bomba o improvised explosive device.

Samantala, dalawa sa pinakahuling sumukong kasapi ng NPA ay kabilang sa 59 na mula pa sa Mindanao na nagsilbi rin daw na augmentation force ng mga rebeldeng grupo na dumating sa Isabela noong 2017.