Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang dalawang shipment na naglalaman ng 12 smuggled na sasakyan mula sa Estados Unidos matapos maling madeklara bilang “assorted car accessories and supply” sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon sa BOC, tinatayang nagkakahalaga ng P10.8 million ang mga sasakyang nakumpisaka nila kabilang ang apat na 2000 Honda Civic, tatlong 1998 Honda Civic, isang 1996 Acura Integra, isang 1999 Honda Civic, isang 2022 Honda S2000, isang 2004 Honda S2000, at isang 2007 Mini Cooper S.
Nabatid na ang shipment ay nakapangalan sa Danesh Consumer Goods Trading.
Nadiskubre naman ang mga sasakyan matapos itong dumaan sa x-ray inspection kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y smuggling.
Ayon kay BOC Deputy Commissioner Juvymax Uy, may matibay silang impormasyon na ang mga shipment ay ginagamit upang ipuslit ang mga sasakyan.
Sinabi naman ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na maghahain sila ng kaso at paiigtingin pa ang kampanya laban sa smuggling na gamit.