Hinatulang makulong ng korte sa Nigeria ang 15 dayuhan mula Asya nitong Biyernes dahil sa cyber-terrorism at internet fraud.
Ayon kay Economic and Financial Crimes Commission (EFCC) spokesman Dele Oyewale, kabilang sa mga senentensiyahang makulong ng hanggang isang taon at multang isang milyong naira o $630 bawat isa matapos mag-plead ng guilty ay ang 11 Pilipino, 2 Chinese, isang Malaysian at isang Indonesian.
Inakusahan ang mga ito ng pagre-recruit umano sa kabataang Nigerians para sa identity theft at magpakilala bilang mga dayuhan.
Ipinag-utos din ng korte na ma-forfeit ang mga narekober na device mula sa mga na-convict na dayuhan sa federal government ng Nigeria.
Ang kasong ito na kinasasangkutan ng nasabing mga foreign national ay itinuturing na isa sa pinakamalaking kaso sa Nigeria.
Ayon sa Economic and Financial Crimes Commission, nagrerecruit ang foreign gangs ng mga kasabwat na Nigerians para humanap ng mga biktima online sa pamamagitan ng phishing scams kung saan kadalasang sinusubukan ng attackers na linlangin ang mga biktima para mag-transfer ng pera o magbigay ng mga sensitibong impormasyon gaya ng passwords.
Kadalasan sa kanilang tinatarget ay ang Americans, Canadians, Mexicans at Europeans.