Isiniwalat ng Philippine Coast Guard na nakaranas nanaman ng panibagong pangbubully mula sa China Coast Guard ang ating mga coast guard sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ang tangkang pagharang ng mga barko ng China sa dalawang barko ng PCG sa Ayungin shoal noong Hunyo 30, 2023.
Salaysay ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, noong Hunyo 29, 2023 ay nagdeploy ang PCG ng dalawang barko nito sa Escota shoal upang suportahan ang naval operations ng AFP sa Ayungin shoal.
Ngunit habang naglalayag aniya ang dalawang barko nito sa Ayungin shoal ay mayroong dalawang China Coast Guard vessel ang nagtangkang lumapit sa kanila sa layong 100 yarda.
Upang maiwasan ang banggaan ay binagalan aniya ng dalawang barko ng pcg ang bilis ng kanilang takbo.
Bukod dito ay nakatanggap din ng radio challenge mula sa China ang Pilipinas na tinugon din naman ng radio challenge ng PCG sa kadahilanang wala aniya dapat na mga ito sa lugar dahil bahagi iyon ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
“They are not supposed to be within our EEZ and that they were carrying out dangerous maneuvers and they are violating the [1972 Convention on the International Regulations for Preventing Collisions at Sea],” ani Commodore Tarriela.
Ngunit hindi pa rito nagtatapos ang panghaharass ng China dahil ayon pa kay Commodore Tarriela, sa distansyang 9 nautical miles ay napansin din ng PCG na mayroon pang anim na Chinese maritime militia na nagkukumpulan at isa pang dagdag na China Coast Guard vessel upang harangan pa rin ang PCG na makapasok sa Ayungin shoal.
Samantala, sa kabila naman nito ay naging matagumpay pa rin ang isinagawang resupply mission ng PCG.
Saad pa ni Tarriela, may mga nakalatag na hakbang na rin ang mga kinauukulan upang tugunan ang ganitong uri ng mga pagkakataon.
“Naging successful ang naval operation ng Armed Forces of the Philippines. Ang PH Coast Guard ay nakaalis sa Ayungin nang maayos, walang naging masyadong escalation of tension. The only thing we experienced is itong shadowing and blocking ng China Coast Guard vessels.”