-- Advertisements --

Binigyang-diin ni Trade Sec. Ramon Lopez na walang dapat ipag-alala ang mga Metro Manila mayors sa isinusulong nilang full-operation ng ilang mga negosyo sa Metro Manila na kasalukyang nasa ilalim pa rin ng general community quarantine (GCQ).

Magugunitang malamig ang Metro Manila Council sa hiling ng mga negosyante na gawin ng 100 percent ang kanilang operasyon sa Metro Manila para makabawi na rin sila sa pagkakalugi.

Sinabi ni Sec. Lopez, mga “safe” namang sektor o negosyo ang kanilang binubuksan na kailangan din ng mga APOR o authorized persons outside residence.

Ayon kay Sec. Lopez, makakatulong ang pagbubukas ng ekonomiya para makapagtrabaho na ang mga kailangang magtrabaho para may pagkakitaan na.

Inihayag ni Sec. Lopez na batay sa pinakabagong survey, tumaas ang bilang ng mga Pilipinong nagugutom kaya malaking bagay ang pagbubukas na ng ekonomiya para ito’y matugunan.

Tiniyak din ni Sec. Lopez na hindi ito nangangahulugang magluluwag na, bagkus mas hinigpitan nga ang mga health protocols gaya ng pagsusuot ng face masks at face shields sa labas at loob ng pinagtatrabahuan.