CAUAYAN CITY – Nakakulong na ang 10 katao na mga benipisyaryo ng Social Amelioration Program matapos maaktuhang nagsusugal sa Purok 1, Barangay Calao East, Santiago City at sa Mallig, Isabela
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan ang mga nadakip ay sina Danny, 25 anyos , may asawa, laborer; Kleng, 48 anyos, balo, may trabaho at Myrna, 48 anyos, may asawa, pawang tumatanggap ng benepisyo sa ilalim ng 4ps.
Kasama din sa mga nadakip sina Rose, nasa tamang gulang, may asawa; Thelma, 58 anyos, balo at Joy, 45 anyos ,dalaga, na kapwa benipisyaryo ng Social Amelioration Program at si Jill, Labing walong taong gulang may asawa, pawang residente ng Calao East, Santiago City.
Sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Presinto Uno nahuli ang mga suspek na aktong nagsusugal.
Nasamsam sa kanila ang isang set ng baraha, lamesa na gawa sa kahoy at bet money na tinatayang nasa isang daan at pitumpung piso .
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Dennis Cardenas ng Barangay Calao East, Santiago City, sinabi nitong nakipag-ugnayan na siya sa DSWD region 2 at ipinaalam ang mga pagsusugal ng mga benepisyaryo ng SAP at 4P’s.
Sinabi pa ng Punong Barangay na nakailang warning o babala ang ipinalabas ng kanyang tanggapan sa mga nasabing indibidwal bago sila madakip ng mga pulis.
Bagamat iniisip ng punong barangay ang pamilya ng mga inaresto at sinabi nitong marapat lamang na magsilbi itong leksiyon sa iba pang benipisyaryo ng mga programa ng pamahalaan at tigilan na ang kanilang mga bisyo..
Samantala, 4 na kababaihan ang inaresto ng mga kasapi ng Mallig Police Station makaraang maaktuhang nagsusugal sa nasabing bayan
Ang mga inaresto ay sina Jhyna , 55 anyos, may-asawa, 4P’s beneficiary; Virginia, 38 anyos, may-asawa, 4P’s beneficiary; Sheena, 38 anyos, may-asawa, SAP beneficiary at Sheila,30 anyos, may-asawa, isang guro at pawang residente ng Mallig, Isabela.
Ang mga kasapi ng Mallig Police Station sa pamumuno ng kanilang hepe na si PMajor Loreto Infante ay nagsagawa ng anti illegal Gambling Operation at naaktuhan ang mga suspek na nagsusugal.
Nakuha sa kanilang pag-iingat ang isang box ng poker cards; bet money na P2,693 at isang mantel .