KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang 10-anyos na dalagita sa Lutayan, Sultan Kudarat matapos aksidenteng mabaril ng kanyang pitong taong gulang na nakababatang kapatid na babae.
Ito ang kinumpirma ni Barangay Chairman Celia Avanzado ng Barangay Palavilla, Lutayan, Sultan Kudarat sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang biktima na si Angel Bliss Pututan, Grade 5 pupil at residente ng Purok Pag-asa, Barangay Palavilla sa nabanggit na bayan.

Ayon kay Avanzado, pinaglaruan ng magkapatid ang isang homemade shot gun habang nasa bahay kubo ng mga ito sa bulubunduking bahagi ng Sitio Makapol sa nabanggit na barangay.
Pero aksidenteng nakalabit ng nakababatang kapatid ang gatilyo ng baril kung saan tinamaan sa dibdib ang biktima.
Walong tama ng bala ang natamo ng biktima dahil agad nabitawan umano ng kapatid nito ang baril.
Napag-alaman na nasa 100 metro ang layo ng ina at stepfather ng biktima sa bahay kubo dahil namumutol umano ng kahoy ang mga ito para sa gagawing uling’ bilang pangkabuhayan.
Ngunit narinig na lamang nila ang mga putok ng baril at nang tingnan sa bahay kubo ang mga bata ay nakahandusay na ang biktima na naliligo sa sariling dugo.
Agad naman na dinala sa South Cotabato Provincial Hospital ang dalagita ngunit idineklarang dead on arrival ng doctor.
















