-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Isang batang lalaki ang naitalang youngest COVID fatality dito sa lungsod ng Bacolod.

Ayon kay Bacolod City Administrator Em Legaspi-Ang, ang isang taong gulang na batang lalaki mula sa Barangay 30 ang pinakabatang namatay dahil sa respiratory disease sa lungsod.

Ang bata aniya ay ilang araw nang dumadanas ng diarrhea bago ito dinala sa Doctor’s Hospital nitong Nobyembre 5 ngunit ito ng binawian ng buhay dahil sa severe dehydration, diarrhea at septic shock.

Dahil sa nakitang sintomas, isinailalim ang pasyente sa COVID test at Nobyembre 7 nang lumabas ang resulta na ito ay positibo sa virus.

Ayon sa opisyal, ang bata ay bahagi ng isang extended family na may kabuuang 13 na mga miyembro.

Hindi pa natutukoy kung saan nahawa ng virus ang pasyente ngunit nagpositibo rin sa COVID test ang kanyang ama, lolo at tiyuhin sa pamamagitan ng isinagawang contact tracing.

Sa ngayon, nailipat na sa isolation facility ang pamilya ng bata.