-- Advertisements --

Nagsimula na ngayong Linggo, Oktubre 26, ang mahabang taon ng pagdadalamhati ng yumaong reyna ng Thailand na si Queen Sirikit, ina ng kasalukuyang hari ng Thailand na si King Maha Vajiralongkorn.

Magugunitang pumanaw ang reyna noong Biyernes sa edad na 93 matapos ang ilang taong pakikipaglaban sa karamdaman.

Kasabay nito dinala na ang labi ni Queen Sirikit mula sa Chulalongkorn Hospital patungo sa Grand Palace sa Bangkok, kung saan siya ilalagak sa loob ng isang taon bago isagawa ang cremation.

Kaugnay nito itim na kulay naman ang isinuot ng mga mamamayan ng Thailand, habang ipinapakita sa mga digital billboard ang mga mensahe ng pakikiramay.

Nabatid na kilala si Queen Sirikit bilang “Mother of the nation” dahil sa kanyang mga gawaing pangkawanggawa at pagiging simbolo ng pagkakaisa.

Sa panahon ng kanyang kabataan, hinangaan siya ng mga banyagang mamamahayag at inihalintulad pa sa dating Unang Ginang ng Amerika na si Jackie Kennedy.

Samantala nagpaabot naman ng pakikiramay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at U.S President Donald Trump.

Ipinagpaliban naman ni Prime Minister Anutin Charnvirakul ang biyahe nito patungong Malaysia upang makilahok sa pagluluksa bago tumulak para sa pirmahan ang peace deal sa ASEAN summit.