Dalawang pulis ang patay habang 10 ang sugatan sa nangyaring pananambang ng mga armadong miyembro ng communist terrorist group (CTGs) dakong alas-10:30 ng umaga nitong Biyernes sa may Sitio Banban, Barangay San Nicolas, Magsaysay Occidental Mindoro.
Ayon kay PRO-4B regional police director B/Gen. Nelson Bondoc binabaybay ng mga tauhan ng 1st Occidental Mindoro Provincial Mobile Force Company ang nasabing lugar nang bigla na lamang silang pinaulanan ng bala ng mga armadong NPA ang convoy ng mga pulis.
Dahil dito nagkaputukan at hinabol ng mga pulis ang mga nang-ambush sa kanila.
Kinilala ni Gen. Bondoc ang nasawing pulis na si PEMS Jonathan Alvarez at PCpl. Estan Gongora.
Ang mga sugatan ay nakilala naman na sina PSSg Dexter King Sagun, Pat Armando Pulido, PCpl Kim Jason Dimalaluan, PSSg Edwin Vergara, PSSg Michael Sualog, PSSg Michael Enero, PSSg Nolito Develos, Pat Sonny Soriano, Pat Jayrald Insigne, Pat Darwin Equilla at Pat Bayani Salgado.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang hot pursuit operations ng PNP kasama ang AFP laban sa mga rebelde.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Gen. Bondoc, kaniyang sinabi na all accounted na ang lahat na police personnel.
Sa 10 nasugatan dalawa rito ang nasa kritikal na kondisyon, lima ang ginagamot ngayon sa hospital habang ang tatlo ay nagtamo ng minor injuries at discharge na sa pagamutan.
Sinabi ni Bondoc, sa kabila ng casualties sa kanilang hanay nagawa pang makipagsagupaan ng mga pulis kung saan nakarekober ang mga ito ng isang M16 rifle, dalawang long at dalawang short magazines with loaded ammunitions at isang jungle pack mula sa mga rebelde.