Reading Time: 1 minute
npa materials agusan

NAGA CITY – Nagpapagaling pa ang mahigit sa 20 katao habang isa naman ang hindi na naisalba pa ang buhay sa karambola ng apat na sasakyan at pagbangga ng bus sa isang bahay sa Barangay Angles, Atimonan, Quezon.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga mula sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nabatid na habang binabaybay ng Elavil Tours Bus na minamaneho ni Aldin Madera ang kalsada sa naturang lugar at patungo sana sa Bicol nang bigla itong mag-overtake sa isang tricycle na minamaneho naman ni Manuel Latonero.

Ngunit bigla namang sumulpot ang kasalubong na trailer truck ng minamaneho ni Ireneo Abayon kung kaya sinubukang kabigin ni Madera ang manibela ng bus ngunit nahagip nito ang trailer truck at tricycle at isa pang motorsiklo na minamaneho naman ng isang Damian Bucat Bobares.

Dahil sa malakas na impact, nagtuloy-tuloy pa ang naturang bus hanggang sa bumangga sa bahay na pagmamay-ari ni Jack Bryan Ortiz Lundag.

Kaugnay nito, agad na binawian ng buhay ang driver ng truck na si Abayon habang nagtamo naman ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga driver at pasahero ng mga sasakyang nasangkot sa aksidente na agad namang itinakbo sa ospital.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insidente.