Reading Time: 1 minute

BACOLOD CITY – Patay ang isang katao habang isa rin ang sugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa lungsod ng Bacolod kagabi.

Pasado alas-7:00 kagabi nang nangyari ang aksidente sa Murcia Road, Purok Katilingban Barangay Mansilingan.

Kinilala ang nasawi na si Rodolfo delos Santos, samantalang sugatan naman si Junerick Ricafort na kaagad dinala sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa imbestigador ng Police Station 7 na si Master Sergeant Ben Jajonera, nanggaling sa Bacolod si Delos Santos at patungo sana sa bayan ng Murcia at iniwasan nito ang aso sa daan hanggang sa nabangga nito ang kasalubong na si Ricafort.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon si Delos Santos at nagtamo ng fatal na sugat at naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.