CENTRAL MINDANAO- Isa ang nasawi at isa ang nasugatan sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang nasawi na si Steve Mark Delamide,27 anyos at sugatan naman ang kanyang kapatid na si Jake Delamide, 25,mga magsasaka at residente ng Sitio Pogpog, Barangay Poblacion, Pikit, Cotabato.
Ayon kay Pikit Chief of Police,Captain Mautin Pangandigan na habang natutulog ang mga biktima sa loob ng kanilang bahay ay bigla itong pinaputukan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang M16 Armalite rifles.
Agad namang tumakas ang mga suspek nang matunugan nito na nagresponde ang mga pulis at sundalo.
Patay on the spot si Steve Mark Delamide nang magtamo ito ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan habang naisugod naman ang kapatid nito sa Cruzado Medical Hospital.
Sa ngayon ay blangko pa ang mga otoridad sa motibo sa pamamaril sa tahanan ng mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.