Maglalaan ng aabot sa ₱6.3 bilyon ang Pag-IBIG Fund upang pondohan ang pagpapatayo ng mga dormitoryo at abot-kayang paupahan para sa mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel ng mga state universities and colleges (SUCs) sa buong bansa.
Ang nasabing pondo ay nakapaloob sa Project BALAY: Bridging Access to Learning, na isang estratehikong pakikipagtulungan sa pagitan ng ahensya at ng Commission on Higher Education (CHED).
Sa ilalim ng Rental Housing Construction Loan program ng Pag-IBIG, makakakuha ang mga SUCs ng pondo na mayroong subsidized interest rate na tatlong porsyento (3%) kada taon para sa unang dekada ng kontrata.
Bukod dito, binibigyan din ang mga institusyon ng maluwag na payment terms na maaaring bayaran sa loob ng hanggang tatlumpung (30) taon.
Layunin ng programa na mapabilis ang pagtatayo ng mga pasilidad at paupahang bahay na matatagpuan sa loob mismo o malapit sa mga kampus upang matugunan ang pangangailangan ng akademya para sa ligtas at abot-kayang tirahan.
Pormal na iprinisinta ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene C. Acosta ang inisyatibo sa isang consultative meeting na ginanap sa CHED Auditorium sa Lungsod ng Quezon noong Abril 15, 2026.
Nakatuon ang naging talakayan ng magkabilang panig sa pagbuo ng mga sustainable housing solutions na direktang tutugon sa sitwasyon ng mga estudyante at kawani ng gobyerno sa sektor ng edukasyon.
















