-- Advertisements --

Ibinunyag sa isang supplemental affidavit ni Ramil Madriaga na nakatanggap siya ng nasa ₱25 milyong cash mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021 upang ibili ng mga mamahaling motorsiklo si Vice President Sara Duterte, kasabay ng utos na tiktikan ang mga taong nakapaligid sa bise presidente.

Batay sa sinumpaang salaysay ni Madriaga, ang nasabing pondo ay nakalaan pambili ng mga high-end motorcycles na gagamitin sana para sa personal na biyahe ng bise presidente kapag nasa Metro Manila ito, gayundin para sa kanilang group operations.

​Bukod sa pondo, inilatag din ni Madriaga sa parehong affidavit ang direktiba umano ng dating pangulo na i-profile ang mga indibidwal na nakapaligid kay VP Sara.

Dito rin umano isiniwalat ng nakatatandang Duterte ang labis na paboritismo nito sa anak na babae pagdating sa larangan ng pulitika.

Ayon kay Madriaga, tinawag ng dating pangulo si VP Sara bilang kanyang favorite child, habang minaliit naman umano nito ang kanyang mga anak na lalaki na sina Davao City Representative Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte, na tinawag pa umanong baliw at bading.

​Nagsimula ang direktang ugnayan ni Madriaga at ng bise presidente bago pa man ang mga lokal na halalan kung saan tumatakbong re-electionist na alkalde noon si VP Sara.

Ayon kay Madriaga, personal na inihabilin ng dating pangulo ang anak sa kaniya sa pamamagitan ng linyang, Ikaw na bahala kay Inday.

​Dagdag pa ni Madriaga sa kanyang salaysay, naging mahigpit at maingat ang bise presidente pagdating sa pamamaraan ng kanilang komunikasyon noon.