Naniniwala si House Committee on Human Rights Chair at Manila Representative Bienvenido Abante na hindi dapat palagpasin o zero tolerance para sa mga walang respeto sa Judiciary at Rule of Law.
Nakiisa si Abante sa panawagan ng “seryosong parusa” laban sa mga indibidwal na nagbabanta sa mga hukom at naglalagay ng walang basehang mga paratang laban sa mga naatasang itaguyod ang Rule of Law.
Binigyang-diin ni Abante na ang isang independiyente at walang kinikilingan na Hudikatura ay isang mahalagang bahagi sa mga pagsisikap na itaguyod ang mga karapatang pantao, anumang bagay na nagpapahina sa una ay nakaaapekto.
Una ng tinuligsa ni Abante ang ang kamakailang red-tagging kay Manila RTC Branch 19 Judge Marlo Magdoza-Malagar maging ang asawa nitong si University of the Philippines Cebu Chancellor Leo Malagar, kasunod ng pagbasura ng hukom sa petisyon ng gobyerno para ideklara ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army bilang mga teroristang grupo.
Ayon kay Abante, ang mga pahayag na nag-uudyok ng karahasan laban sa mga hukom at abogado ay “hindi naiiba sa pisikal na pag-atake o pagtatangka sa kanilang buhay.”
Ipinaliwanag ni Abante na ang walang parusang pagkilos laban sa mga opisyal ng hukuman ay nag-aambag sa isang kultura ng impunity na nagpapalakas ng loob sa mga naniniwalang maaari nilang baluktutin ang Rule of Law sa kanilang kalooban.
Sinabi ng mambabatas na bukod sa pagpaparusa sa mga indibidwal na hindi gumagalang sa mga korte, dapat palakasin ng gobyerno ang mga pagsisikap na hanapin at hatulan ang mga responsable sa mga pagpatay sa mga hukom at abogado.