-- Advertisements --

Target ng Philippine Coast Guard na makamit ang zero maritime casualty sa kasagsagan ng paggunita ng Semana Santa ngayong taong 2024.

Dahil dito ay patuloy ang ginagawang aktibong paghahanda ngayon ng mga operating units ng PCG na inaasahang itataas sa heigtened alert status mula Marso 23 hanggang Abril 3, 2024 para sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2024 ng Department of Transportation.

Kaugnay nito ay inatasan na ni PCG Commandant, Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat Districts, Stations, at Sub-Stations ng PCG na mas paigtingin pa ang seaborne patrols at safety measures sa lahat ng mga pantalan at waterways sa buong bansa.

Dito ay nagdeploy din ang PCG ng medical officers at medical teams in case of emergency, habang pinakilos na rin ang PCG Auxiliary volunteers para bumuo ng deployable response groups para umalalay din sa darating na Holy Week operations.

Magsasagawa rin ng mabusising post terminal at vessel inspection ang PCG K9 units at security teams bilang bahagi ng target ng ahensya na makamit ang zero maritime casualty ngayong Semana Santa.

Bukod dito ay aalalay din ang PCG sa AFP at PNP sa pagbabantay sa mga critical checkpoints para tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng publiko lalo na sa mga tourist spot na inaasahang dadagsain ng maraming tao.

Ayon kay PCG Spokesperson, Rear Admiral Armando Balilo, layunin nito na tiyakin na magiging maayos ang operasyon ng mga sea transport facilities, convenient sea travel, gayundin ang kaligtasan ng mga local at foreign tourists sa major beach at private resorts sa bansa sa gitna ng inaasahang pagtaas ng bilang ng maritime traffic.