Pinanindigan ng gobyerno ang desisyon nito na ang mga purong electric vehicles (EVs) lamang ang maaaring magtamasa ng zero import duty privilege sa loob ng limang taon dahil ang hakbang ay nilayon upang hikayatin ang mga pamumuhunan sa imprastraktura ng EV, partikular na ang mga charging station, ayon yan sa Department of Trade and Industry (DTI).
Sinabi ni Department of Trade and Industry Undersecretary Ceferino S. Rodolfo na ang Executive Order na nag-aalis ng import duty sa mga purong electric vehicles ay inaasahang ilalabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa panahon ng Congressional recess.
Ang Executive Order ay inaprubahan na ng Cabinet-level Trade and Related Matters (TRM) committee na pinamumunuan ni DTI Secretary Alfredo E. Pascual at dahil dito ay inaprubahan na rin ng National Economic and Development Authority Board , na pinamumunuan ng Pangulo.
Gayunman, sinabi ni Rodolfo na ang EO ay nagbibigay ng isang review clause upang masuri ang saklaw ng mga produkto sa isang taon pagkatapos ng pagpapalabas ng nasabing executive order.
Ipinaliwanag niya na ang hybrid electric vehicles ay hindi isasama sa zero-duty import privilege dahil hindi kailangan ng hybrids ng charging stations, na tinatalo ang layunin ng Executive order na hikayatin ang mga pamumuhunan sa electric vehicles infrastructure.
Ipinaliwanag ni Rodolfo na ang pinakalayunin ng ahensya ay makamit ang pangarap na maging electric vehicles manufacturing at assembly hub sa ASEAN.
Una rito, hinimok ng mga dayuhang grupo ng negosyo ang gobyerno na gawing mas inklusibo ang nakaplanong pansamantalang zero duty privilege sa pag-import ng mga electric vehicles sa pamamagitan ng pagbubukas nito sa lahat ng mga bansa.