-- Advertisements --


Muling iginiit ng House Makabayan Bloc na hindi sila rebeldeng komunista, taliwas sa iginigiit ni Pangulong Rodrigo Duterte na sila ay kasama sa mga nagbabalak na pabagsakin ang pamahalaan.

Sa isang virtual press conference, sinabi ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate na diversionary tactic lamang ni Pangulong Duterte ang paratang laban sa kanilang mga progresibong kongresista para pagtakpan naman ang mga kapalpakan ng pamahalaan.

Ayon kay Zarate, sila ay lehitimong mga rehistradong party-list groups na lumalahok sa parliamentary arena at kasalukuyang naka-upo bilang kinatawan sa 18th Congress.

Pilit aniya silang pinatatahimik, lalo na sa kanilang aktibong papel bilang mga mambabatas sa loob ng Kongreso.

Pilit aniya silang dindidikit sa issue ng terorismo at gagamitin nilang kasangkapan ito para sila ay madiskwalipika sa 2020 elections o matanggal sa kanilang posisyon sa Kongreso.

Para naman kay ACT Teachers party-list Rep. Franc Castro, ang pag-aakusa sa kanila ng Pangulo ay nagpapakita lamang na ito talaga ang maituturing bilang “king of red-taggers.”

“Itong mga statements ni President Duterte, hindi namin ididignify ito pero dahil sa mga walang basehan, parang lasing na nagsasalita na kung anu-ano lang ang pinagsasabi na walang basehan,” dagdag pa ni Castro.

Para naman kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago, masyadong ginagalingan na talaga ni Duterte ang pamamaraan nito para dungisan ang kanilang reputasyon bilang mga kongresista.