Naglabas ng Part 3 statement video si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co ngayong araw ng Linggo, Nobiyembre 16.
Sa naturang video, nanawagan ang dating mambabatas sa Senado na imbestigahan ang umano’y P100 billion budget insertions ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil naniniwala siya sa kakayahan ng Mataas na Kapulungan para maibunyag ang katotohanan.
Matatandaan, sa naunang video na inilabas ni Co, inakusahan niya ang Pangulo na nag-utos umanong isingit ang daang-bilyong halaga sa 2025 national budget.
Sa ikalawang video, sinabi ni Co na napunta lahat ng P100 billion budget insertions sa Pangulo at kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa isang panayam naman kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Negros Occidental, hindi na niya pinatulan pa ang akusasyon sa kaniya ng dating mambabatas.
“I don’t want to even dignify what he is saying,” tugon ng Pangulo.
















