Malaki raw ang posibilidad na ang Omicron XBB subvariant ang dahilan kung bakit tumaas ang kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa National Capital Region (NCR) noong nakaraang buwan.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ang transmission ng mas transmissible Omicron variant ay naramdaman din noong Enero at ang simula ng surge ng Omicron BA.5 at BA.4 subvariants noong June.
Pagdating daw ng buwan ng Agosto ay pababa na ang kaso pero biglang tumaas noong Setyembre.
Kaya naman, base raw sa kanilang analysis, ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 noong nakaraang buwan ay posibleng dahil sa XBB.
Sa ngayon, pababa na rin daw ang COVID-19 wave Sa NCR na mayroong positivity rate na 12.9 percent.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa percentage ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 kumpara sa bilang ng mga indibidwal na sumalang sa covid test.
Kung maalala, inanunsiyo ng Department of Health (DoH) noong nakaraang linggo na mayroon nang naitalang 81 na kaso ng Omicron XBB subvariant at 193 cases ng XBC variant.